Ngunit kung ako ay
boboto kung dapat ba talagang ma-impeach
si Corona, hindi ako magdadalawang-isip na sabihing hindi dapat ma-impeach si Renato Corona sapagkat walang
sapat na ebidensiya laban sa kanya at para bang nilalapastangan at inaalipusta
ang demokrasya ng Pilipinas dahil sa paglilitis sa kanya.
Sadyang napakabilis
ng mga pangyayari kung ito ay iyong susuriin ng mabuti. Parang sa isang
kisap-mata ay bigla na lamang umalingawngaw ang kasong ito laban kay Corona na
ating kinikilala bilang Punong Mahistrado, ang pinakamataas na posisyong
maaaring makuha ng isang mambabatas sa ating lipunan. Wala man lang tao na
nabigyan ng pagkakataon na mabasa ang halos animnapung pahinang reklamo o habla
laban sa kanya na para bang nagpapahiwatig na ang pamahalaang Aquino ay
masyadong nagmamadali sa pag-usad ng kaso ng impeachment laban sa Punong
Mahistrado.
Walo ang inihaing
paratang laban kay Corona at kaagad na mapapansin na dalawang uri lamang ang
bintang na nilalaman nito: ang mga
reklamong tumutukoy sa kanyang mga personal na kilos at ang mga opisyal na
pagkilos o hatol ng Korte Suprema. Isa sa mga ito ay ang hindi raw pagsusumite
ng kanyang SALN (Statement of Assets, Liabilities, and Networth) na mariing itinanggi ng Punong Mahistrado
sapagkat, ayon sa kanya, ay taun-taon niya itong isinusumite nang walang palya.
Ayon pa kay Atty. Christian Monsod, isang dating chairman ng Commission on Elections
at miyembro ng 1986 Constitutional Commission na gumawa ng burador ng
Konstitusyon ng 1987, ang pagsusumite ng SALN at pagsisiwalat nito sa publiko
ay dalawang magkaibang bagay na pumapabor kay Corona.
Pangalawa, siya raw ay
isang midnight appointee ng dating
Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sapagkat siya ay inatasang maging Punong
Mahistrado dalawang araw matapos ang eleksiyon noong 2010 at isang buwan bago
matapos ang termino ng dating pangulo na hindi raw dapat tinanggap ni Corona.
Ngunit ayon sa mga pag-aaral ng mga miyembro ng depensa, ang pagkakahirang kay
Corona ay sumailalim sa isang masusing proseso na naaayon sa ating Saligang
Batas. Kabilang dito ang proseso ng Judicial and Bar Council na pinangungunahan
noon ng dating Punong Mahistrado Reynato Puno at ito rin ay matagal nang
napagpasyahan ng Korte Suprema kaya kung may reklamo man ang ibang mambabatas
sa hatol ng Korte Suprema, sana ay dati pa nila ito ipinaglaban.
Ang mga natitirang
paratang ay ukol naman sa mga hatol na naisagawa at iba pang patakaran ng Korte
Suprema. Ang reklamong ito ay nasasakop ang mga maling pasya ng Korte Suprema
sa ilang mga kaso tulad ng paglikha sa isla ng Dinagat at hindi pagbibigay ng
pahintulot upang gawing siyudad ang labing-anim na munisipalidad dahil sa kabiguang
matugunan ang mga legal na kinakailangan sa kita ng mga siyudad ayon sa Local
Government Code.
Alalahanin natin na
ayon sa Saligang Batas, ang Korte Suprema ay binubuo ng labing-apat na katulong
mahistrado at isang punong mahistrado. Ang bawat isa ay may tig-iisang boto
lamang at ito ay pantay-pantay kaya ang bisa ng pananaw o opinyon ni Corona ay kapantay
lamang ang bisa at puwersa ng sinumang mahistrado. Kaya ang bawat pasya na
inihahatol ng Korte Suprema ay base sa opinyon ng bawat isa sa kanila at kahit
na kadalasan ay kasama niya ang mayorya sa botohan, hindi naman nito sinasabing
kakampi niya ang mga ito. Ito ang patunay na walang nangyayaring diktatorya sa
Korte Suprema.
Sa ginagawang
paglilitis kay Corona, sa tingin ko ay naaapektuhan ang ating bansa. Para sa
akin, nawawala na ang tiwala ng taumbayan sa Korte Suprema dahil nakikita
nilang maging ang Punong Mahistrado ay inaakusahan ng mga maling paratang.
Hindi na dapat isinusugo ang Korte Suprema sa mga panghahabla na mapagsamantala
dahil ito mismo ang nakikipaglaban para sa demokrasya ng bansa.
Huwag na nating
husgahan pa ang ating Punong Mahistrado. Oo, marahil ay may mga desisyon o mga
hatol siyang naisagawa na mali sa paningin ng iba, subalit hindi naman nito
ipinahihiwatig na may anomalya nang nangyayari sa ating hukuman. Bigyang
respeto natin ang mga pasya ng ating hukom at kung siya ay magkamali man, huwag
nating ibunton sa kanya lahat ng ating galit dahil hindi lang naman siya ang
may karapatan na magbigay ng hatol sa mga nasasakdal o sa mga kung anu-anong
kaso. Huwag nating kawawain ang ating mga tagapaghukom.
Sana ay matapos
ninyong marinig ang aking argumento ay naliwanagan kayo kahit kakaunti at nawa
ay mabago nito ang inyong pananaw ukol sa nagaganap na paglilitis sa ating
Punong Mahistrado.
No comments:
Post a Comment